MARILAO, Bulacan – Natanggap agad sa inaaplayang trabaho o pawang mga Hired On The Spot na kilala sa tawag na H.O.T.S., ang inisyal na nasa 335 na mga aplikante sa ginanap na apat na Labor Day 2023 Jobs Fairs sa Bulacan.
Ayon kay Department of Labor and Employment o DOLE- Bulacan Provincial Director May Lynn Gozun, umabot sa 11,513 na mga bagong trabaho ang inialok sa nasabing mga jobs fairs, kung saan nasa 11,178 ang nananatili pang bukas matapos matanggap agad ang 335 na Bulakenyo.
Pinakamarami rito ang 185 na H.O.T.S. sa Jobs Fair na ginanap sa SM City Marilao na nagbukas ng 2,846 na mga trabaho na inialok ng nasa 24 na lokal na employers.
Sinundan ito ng 76 na H.O.T.S. mula sa 3,584 na trabaho na inialok ng 37 na mga lokal na employers sa Jobs Fair na idinaos sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos. Kasabay nito ang pagkakatanggap din agad sa 45 na mga indibidwal sa isa pang Jobs Fair sa SM City Baliwag na 2,068 na mga trabaho ang binuksan ng 36 na lokal employers.
Habang nasa 29 ang H.O.T.S. sa ginanap namang Jobs Fair sa SM City San Jose Del Monte na nag-alok ng 3,015 mula sa 24 na mga lokal na employers.
Ang mga magkakasunod na Jobs Fairs na idinadaos ng DOLE sa Bulacan ay bahagi ng isang linggong pagdiriwang ng Ika-121 Taon ng Araw ng Paggawa na may temang ‘Pabahay, Bilihing Abot-Presyo, Benepisyo ng Matatag na Trabaho para sa Manggagawang Pilipino.
Karamihan sa mga iniaalok na mga trabaho ay nasa sektor ng advertisement, agribusiness, automotive, banking and finance, construction, electrical, franchising, food, engineering, health care, hospitality and tourism, human resource, manufacturing, retail at wellness.
Bahagi ang paglikha ng maraming dekalidad na mga trabaho ng 8-Point Scoi Economic Agenda ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. na ipapatupad sa pamamagitan ng 2023-2028 Philippine Development Plan (PDP).
Kaugnay nito, sinabi ni DOLE-Central Luzon Regional Director Geraldine Panlilio na makikinabang ang mga natanggap at matatanggap pa sa trabaho sa bagong umiiral na minimum wage rates na naging epektibo nitong Enero 1, 2023.
Base sa Wage Order No. RBIII-23 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board, nasa P30 ang nadagdag na sahod o sweldo sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa anim na lalawigan sa gitnang Luzon habang may partikular na wage increase para sa Aurora.
Kaya’t umiiral din sa Bulacan ang bagong minimum wage rates na P460 para sa mga establisemento na may mahigit sa 10 na mga manggagawa, at P453 para sa wala pang 10 ang mga manggagawa sa non-agricultural sector.
Sa sektor ng retail at services, P439 para sa mga establisementong may mahigit sa 10 ang manggagawa at P425 sa mga hindi aabot sa 10 ang mga manggagawa.
Habang para sa mga nasa agriculture sector, P430 ang bagong minimum rate para sa mga nasa plantation at P414 ang nasa non-plantation.
Patunay aniya ang malawakang pagbubukas ng mga bagong trabaho sa tinatawag na ‘Post-Pandemic Boom’ kung saan nasa 95.7% ang employment rate at 4.3% lamang ang unemployment rate sa rehiyon.
Samantala, sinabi naman ni Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office o PYPESO Head Atty. Kenneth Ocampo-Lantin na ang mga interesado na makapag-apply sa may 11,178 na bukas pang mga trabaho ay aagapayan ng tanggapang ito.
Kailangan lamang makipag-ugnayan sa kanilang official social media page o sumadya sa tanggapan nito na nasa Blas F. Ople Livelihood Center sa bakuran ng Kapitolyo sa lungsod ng Malolos, Bulacan.