Simula na ang bakbakan ng 32 koponan mula sa mga unibersidad at kolehiyo sa pagbubukas ng Bulacan University and Collegiate Athletic Association (BUCAA), ito ay matapos opisyal nang buksan ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando at Vice Gov. Alexis C. Castro ang bagong liga ng basketball sa ginanap na opening ceremony sa Baliwag Star Arena sa Baliwag City noong Lunes, Abril 15.
Sa tulong ng Provincial Youth and Sports Development Office (PYSDO) opisyal nang sinimulan ang kompetisyon sa pamamagitan ng cheer dance competition kung saan ito ay hudyat ng paglikha ng malaking hakbang tungo sa pagpapalakas ng kapakanan ng mga batang atletang Bulakenyo.
Pinangunahan ni Fernando, na siyang Chairman ng BUCAA, ang opening ceremony ng bagong sports event sa lalawigan na naglalayong pagsama-samahin ang lahat ng mga programa at proyektong may kinalaman sa sports development at suportahan ang mga mahuhusay na batang atleta sa lalawigan.
Sinabi ni Nikki Coronel, OIC PYSDO head na ang mga kalahok na unibersidad at kolehiyo ay maglalaban-laban sa larangan ng basketball competition kung saan ang opisyal na venue ay gaganapin sa Bulacan Sports Complex sa Barangay Dakila, Lungsod ng Malolos at kalaunan ay palalawakin din ang BUCAA sa pamamagitan ng paglulunsad ng iba pang sports events. gaya ng Volleyball, swimming, badminton, table tennis, chess at iba pa.
Sinabi ng gobernador na ito ay magbibigay ng pagkakataon sa mga kabataang Bulakenyo na gustong mahasa at mapataas ang kanilang kakayahan at kahandaan sa larangan ng palakasan.
“Layunin natin ang makabuo ng maraming oportunidad sa mga kabataang manlalaro at makapaghubog ng isang disiplinadong Bulakenyong atleta,” ani Fernando.
Pinasalamatan din ng gobernador ang bawat atletang lumahok, lalo na ang mga unibersidad at kolehiyo, ang mga faculty, mga trainer na sumuporta sa BUCAA Season 1.
Ipinagmamalaki ni Fernando ang reputasyon ng Bulacan bilang isang lugar ng pag-aalaga para sa mga kampeon at itinampok ang tatlong pangunahing layunin ng BUCAA: fostering self-growth, boosting school pride, at igniting the Bulakenyo spirit.
Sinabi naman ni Vice Gov Castro na nais ng pamahalaang panlalawigan na makadiskubre ng bagong atletang Bulakenyo na kikilalanin hindi lamang sa lalawigan ng Bulacan, sa bansa kundi maging sa buong mundo bilang isang Pilipino.
Ang BUCAA ay itinatag sa pamamagitan ng Executive Order No. 11 alinsunod sa Republic Act 10742 na kilala rin bilang “Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015”, kung saan binabalangkas nito ang siyam na pangunahing bahagi ng pakikilahok ng kabataan, na nagsisilbing pundasyon para sa pagbuo ng Local Youth Development Plano na magiging instrumento sa pagdidisenyo ng mga programa na naglalayong mapaunlad ang kapakanan ng mga kabataan sa Bulacan.
Dagdag pa ni Fernando, ito ay inorganisa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang suportahan at gabayan ang mga atleta ng estudyante ng Bulacan sa kani-kanilang karera at hubugin ang susunod na henerasyon ng mga mahuhusay na atleta at palakasin ang pagkakaisa ng mga nasa larangan ng sports.
Ang BUCAA ay naglalayong kilalanin ang kahalagahan ng holistic youth development at pagyamanin ang sports advancement bilang suporta sa maraming mahuhusay na batang atleta sa lalawigan.
May 32 unibersidad at kolehiyo ang lumahok at sasabak sa nasabing liga ng basketball na kung saan ay sa Malolos Sports Complex ang gagawing official venue ng palaro at kalaunan ay iikot din sa mga paaralan..