Camp Alejo Santos, City of Malolos — Pormal nang sinampahan ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) nitong Biyernes sa Bulacan Provincial Prosecutor Office ang tatlong pulis na umano’y sangkot sa insidente ng robbery hold-up noong Miyerkules ng umaga matapos silang manloob sa isang bahay ng isang negosyante sa Brgy. Borol 2nd, Balagtas, Bulacan at tinangay ang P30 milyong cash at ilang gadgets.
Ang mga pulis na nahaharap sa kasong robbery matapos silang mahuli sa follow-up operations ay sina PSSg Anthony Ancheta, 48, may-asawa mula sa Brgy. Mojon, Malolos at kasalukuyang nakatalaga sa Malolos City Police Station; PMaj. Armando Reyes, 55, may asawa, residente ng Barangay Sta. Cruz, Sta. Maria, Bulacan at nakatalaga sa Hagonoy Police Station at PSMS Ronnie Galion, 43, may asawa, mula sa Mag-asawang Sapa, Sta. Maria, Bulacan at kasalukuyang nakatalaga sa Sta. Maria Police Station, lahat sa Bulacan PPO.
Kasalukuyang pinaghahanap ng Bulacan police ang apat pang suspek na sinasabing mga aktibong pulis na nakatalaga sa lalawigan ng Bulacan.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na bandang alas-10 ng umaga noong Agosto 28, pinasok ng pitong suspek ang bahay ng negosyanteng si Emerson Magbitang, 35, isang pharmaceutical supplier at residente ng St. Francis Subdivision, Brgy. Borol 2nd, Balagtas, Bulacan.
Nagkunwaring humihingi ng tulong pinansyal ang mga suspek kaya madali silang nakapasok sa bahay ng negosyante.
Tinutukan umano ng baril ng mga suspek ang biktima at saka tinangay ang P30 milyon cash na sinabi ng biktima na kaka-withdraw lang niya sa Bangko.
Tatlong cellphone din ang tinangay ng mga suspek na kalaunan ay ibinato ng mga suspek sa Balagtas NLEX nang tumakas upang hindi na masundan.
Sinabi ni Barangay Chairman Michael Payuran ng Borol 2nd nag-ugat ang pag-aresto sa mga suspek matapos ang kanilang mga tauhan ng garbage truck na nagkataong naghahakot ng basura sa labas ng bahay ng biktima ay nakita at nasaksihan ang insidente ng pagnanakaw at agad na nagsumbong sa himpilan ng pulisya.
Agad na nagsagawa ng follow operations ang Balagtas Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspek.
Kasalukuyang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang mga otoridad para mahuli ang apat pang suspek na nakatakas.