LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsimula na ang operasyon ng tatlong ruta mula lungsod ng Malolos sa ilalim ng Public Utility Vehicle o PUV Modernization Program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Pinakabago rito ang kombersyon ng isang ruta ng UV Express mula sa dating paggamit ng mga van na kasya lamang ang 18 na katao, sa pagkakaroon ng mga coaster bus na may kapasidad na 26 katao.
Sinabi ni Ronald Saraza, pangulo ng Saraza TRD Transport Services Corporation, may inisyal na 10 coaster bus units ang bumibiyahe na bahagi ng may 36 na kabuuang yunit.
Hinati ang nasabing mga units sa tatlong mga terminals na matatagpuan sa Waltermart sa barangay Longos, Malolos Central Transport Terminal 1 na ipinatayo ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa barangay Bulihan at sa Malolos Central Transport Terminal 2 sa Robinson’s Place Malolos.
Sa nasabing mga terminals magmumula ang mga biyahe nito na patungo sa Central Integrated Terminal sa TriNoMa Mall na nasa EDSA-North Avenue sa lungsod ng Quezon.
Sinabi naman ni Malou Tolentino, administrative officer ng LTFRB Region III, dalawang uri ang biyaheng Malolos-San Fernando na isinailalim sa PUV Modernization Program.
Ito ang Malolos-San Fernando na dadaan sa Mac Arthur Highway na babaybay sa Malolos at Calumpit sa Bulacan; sa Apalit, San Simon, Minalin, Santo Tomas at San Fernando-Bayan sa Pampanga. Mayroon itong inisyal na 10 na yunit.
Samantala, isang ruta ng Malolos-San Fernando ay dadaan pa rin ng MacArthur Highway sa bahagi ng Malolos at Calumpit sa Bulacan, pero lalabas na sa San Simon Exit ng North Luzon Expressway.
Mula roon ay diretso na ito sa SM City Pampanga at Robinson’s Starmills. Nasa 10 rin ang inisyal na yunit na pinasimulan na ang pagbiyahe.