3 patay, 1 malubha sa gumuhong gusali sa Bulacan

Photo from ABS CBN Facebook post
BULACAN-Tatlo ang kumpirmadong nasawi habang isa ang kritikal matapos bumagsak ang ikalawang palapag ng isang gusali sa Barangay Libtong Lungsod ng Meycauayan Martes ng hapon. Sa report ni Bulacan Police director Col. Charlie Cabradilla, nakilala ang mga nasawing biktima na sina Roel Prestone, 38 ng Bignay, Valenzuela; Annalyn Baldon, 35 ng Novaliches, Quezon City at James Franklin Marcelo, 19 ng Brgy. Perez, Meycauayan.
 
Kasalukuyan naman nilalapatan ng lunas sa Meycauayan Doctors Hospital ang isa pang biktima na si Marjorie Naling, 28 ng Bagumbong North, Caloocan.
 
Ayon sa pulisya ang mga biktima ay pawang mga empleyado ng E-One Consumer Trading Corporation na matatagpuan sa Silver St. Muralla Industrial Park sa nasabing lugar. Base sa panimulang imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas-4:59 nitong Martes ng hapon habang ang mga biktima ay abala sa kanilang trabaho.
 
Ayon sa report, bandang 8:30 pm unang nasagip si Naling na may vital signs na agad isinugod at nabigyan ng paunang lunas sa Meycauayan Doctors Hospital. Bandang 11:35 pm, naman nang makuha ng mga rescuer ang katawan ni Preston habang si Baldon ay bandang 2:10am natagpuan at si Marcelo ay bandang 7:52 nitong Miyerkules na ng umaga na pawang mga wala nang mga vital signs.
 
Isinugod pa rin ang mga biktima sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival sa Marymount Hospital. Patuloy pang inaalam ng kapulisan ang sanhi ng insidente subalit sa paunang imbestigasyon ay tinitingnan ang sinasabing overload ng mga nakaimbak na parcel kaya bumagsak ang naturang gusali.