
Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga – Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa insurhensya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tatlong dating kasapi ng armadong kilusan ang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa magkakahiwalay na lugar sa Tarlac, Nueva Ecija, at Zambales noong Hunyo 2, 2025.
Dakong 1:12 ng hapon, boluntaryong sumuko si Noel Valdez y Gamit, alyas “Ka Patrik,” 39 taong gulang at residente ng Brgy. Moriones, San Jose, Tarlac, sa mga operatiba ng San Jose Municipal Police Station. Si Valdez ay dating miyembro ng Milisyang Bayan. Isinuko rin niya ang isang improvised shotgun na walang serial number at walang bala.
Bandang 2:00 ng hapon, sumuko naman si Charlie Ramos y De Dios, alyas “Celing Ramos,” 56 taong gulang mula sa Brgy. Belbel, Botolan, Zambales, sa 305th Maneuver Company Headquarters ng RMFB3. Siya ay dating courier, marketer, at collector ng Regional Guerilla Unit (RGU) na aktibo sa Zambales at karatig-lalawigan. Siya rin ay nasa OB/PSR list simula pa noong 2004. Isinuko niya ang isang improvised shotgun at dalawang bala ng 12-gauge.
Samantala, dakong 3:50 ng hapon, sumuko rin si Joselito Agunoy y Corpuz, alyas “Lito,” 52 taong gulang, magsasaka, may asawa, at residente ng Purok 6, Sitio Bubon, Brgy. San Jose, Licab, Nueva Ecija, sa mga operatiba ng 1st PMFC, 2nd Maneuver Platoon, NEPPO. Siya ay dating miyembro ng Sentro de Gravidad (SDG) at kasapi ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon – Nueva Ecija Chapter (AMGL–NE). Ayon sa kanya, siya ay na-recruit noong 2018 ng isang kilalang personalidad sa kilusan na si Nicomedes Ortiz. Isinuko rin niya ang isang homemade caliber .38 revolver na walang serial number at tatlong bala.
Sa kasalukuyan, ang tatlong sumukong indibidwal ay nasa kustodiya ng pulisya para sa debriefing at dokumentasyon, habang ang kanilang isinukong mga armas ay naka-impound para sa kaukulang disposisyon.
Ayon kay PBGEN Jean S. Fajardo, Regional Director ng Police Regional Office 3 (PRO3), ang patuloy na pagbabalik-loob ng mga dating rebelde ay isang malinaw na tagumpay ng mga inisyatibo ng pamahalaan at PNP upang isulong ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
“Ang kanilang pagbabalik-loob ay isang matibay na patunay na epektibo ang ating mga programa sa paghikayat sa mga naliligaw ng landas upang magbagong-buhay. Sa tulong ng whole-of-nation approach ni Pangulong Marcos, patuloy tayong nagbibigay ng pagkakataon sa mga dating rebelde na makapagsimula muli at maging kapaki-pakinabang na mamamayan,” pahayag ni PBGEN Fajardo.