MEXICO, Pampanga (PIA) — Mas natitiyak ng National Irrigation Administration (NIA) na magiging tuluy-tuloy ang daloy ng mga patubig patungo sa mga sakahan ng palay sa buong bansa ngayong nasa 289 na ang mga kagamitang panghukay ng ahensiya.
Mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nagsagawa ng inspeksiyon sa 148 na mga kagamitan at pormal na nagkaloob nito sa 17 regional offices ng NIA sa seremonyang ginanap sa bayan ng Mexico sa Pampanga.
Ito na ang ikalawang bahagi o second tranche ng proyekto na pinondohan sa halagang P782 milyon mula sa Pambansang Badyet ng 2024.
Nauna nang ipinamahagi ng Pangulo sa mga NIA Regional Offices ang 141 na mga kagamitang panghukay noong nakaraang taon sa isang seremonyang ginangap sa Subic Bay Freeport Zone.
Pinondohan naman ito ng Pambansang Badyet ng 2023 sa halagang P776 milyon.
Ayon sa Pangulo, bahagi ito ng tatlong taong Re-fleeting Program ng NIA mula 2023 hanggang 2025 upang matiyak na walang masasayang na tubig sa panahon ng tag-ulan at madala ang nararapat na dami ng tubig sa mga sakahan tuwing tag-araw.
Kabilang sa mga kagamitang ito ang excavator crawlers, amphibious excavators, truck tractors at dump trucks
Patunay aniya ito ng malaking pamumuhunan ng estado sa sektor ng pagsasaka na itinuturing na gulugod ng pambansang ekonomiya.
Kaya’t para matiyak na makukumpleto ang tatlong taon na re-fleeting program, may halagang P1 bilyon ang ipinasok ng NIA sa 2025 National Expenditure Program na inaprubahan ng Department of Budget and Management.
Kaugnay nito, tiniyak ni NIA Administrator Eduardo Guillen na sa pamamagitan ng mga karagdagang panghukay, wala nang daanan ng patubig na dapat mabarahan o umapaw dahil sa pagiging mababaw o makapal ang putik sa ilalim.
Malaki rin aniya ang matitipid sa pagsasakatuparan at pagkukumpleto ng mga bagong proyekto dahil may sariling kagamitan ang ahensiya.
Samantala, ibinalita naman ni NIA Regional Manager Josephine Salazar na sa mga bagong kagamitang panghukay na ipinagkaloob sa ilalim ng Second Tranche ay 11 ang idedestino sa Gitnang Luzon kung saan walo ang backhoes, dalawang dump trucks at isang trailer.
Para kay Rogelio Rodriguez, 69 na taong gulang na magsasaka ng palay sa barangay Tarcan sa lungsod ng Baliwag, napakahalaga ng mga bagong panghukay upang siguradong marating ng patubig ang mga sakahan hanggang sa mga sitio.
Sayang aniya ang pinapakawalan na tubig sa Bustos Dam na mula sa Angat Dam, kung hindi ito lubos na nakakarating sa mga sakahan na maaring makapagpalago nang maraming palay kung tuluy-tuloy ang patubig.
Hiniling din niya sa Pangulo na bukod sa gagawing tuluy-tuloy na paghuhukay ng mga patubig ay sabayan ito ng pagpapaalis at pagtatanggal sa lahat ng uri ng iligal na istraktura na naitayo sa gilid o sa mismong patubig.
Ito’y upang mahinto ang pagkakaroon ng basura o anumang uri ng dumi sa mga patubig na dulot ng mga naninirahan sa kahabaan ng mga patubig.