CLARK FREEPORT ZONE, Pampanga (PIA)- Naipadala na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa pamamagitan ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang 21 na mga Mobile Primary Clinics sa 21 mga lalawigan sa gitna at hilagang Luzon.
Naunang ipinagkaloob ang tig-iisang unit nito sa pitong mga lalawigan ng Gitnang Luzon kung tinanggap ni Gobernador Daniel R. Fernando ang para sa Bulacan mula sa unang ginang. Kasabay nito ang mga Mobile Primary Clinics para sa Pampanga, Bataan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija at Aurora.
Ipinahayag ng gobernador na akmang-akmang ang pagkakaloob ng unit na ito upang lalong mapaigting ang paghahatid ng serbisyong medikal sa mga sitio ng 572 mga barangay sa Bulacan.
Sinundan ito 14 pang mga Mobile Primary Clinics na tig-iisang natanggap ng mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Abra, Ifugao, Mountain Province, Benguet, Batanes, Cagayan, Isabela at Quirino.
Isa itong Japanese-brand na Toyota Coaster 2024 model na isinailalim sa reconfiguration para magkapagsagawa ng laboratory examinations, doctor consultations at makapagkaloob ng libreng gamot sa mga pasyente.
Mayroon itong mga kasangkapan gaya ng modern diagnostic equipment, mobile digital X-ray machine, ultrasound machine, hematology analyzer para sa mga blood tests, binocular microscope, ophthalmoscope para sa mga eye tests, lab-grade refrigerator at telemedicine.
Bahagi ito ng nasa 83 na mga Mobile Primary Clinics na ipinamamahagi ng DOH sa bawat lalawigan na pinondohan ng Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas sa halagang P10 milyon ang bawat isa.
Para kay Batanes Governor Marilou Cayco, iikot ang natanggap na Mobile Primary Clinics sa Basco, Mahatao, Ibana at Uyugan na ibabase sa mga paaralan at mga munisipyo. Malaking bagay aniya ito upang mas maabot ang mga Pilipinong nasa dulong hilaga ng bansa.
Samantala, sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Dr. Teodoro Herbosa na ang Mobile Primary Clinics ay inspirasyon ng unang ginang mula sa kanyang proyekto na Lab For All, kung saan mas inilalapit sa pinaka karaniwang tao sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga matataas na kalidad na serbisyong pang kalusugan.