
Camp General Alejo S Santos, City of Malolos, Bulacan — Arestado ang dalawang suspek sa kasong Estafa sa ilalim ng Article 315, paragraph 2(a) ng Revised Penal Code matapos hindi ibalik ang nirentahang sasakyan ng biktima sa insidente ng “Rent-Tangay” na naganap sa Brgy. Mojon, Lungsod ng Malolos noong Hulyo 3, 2025.
Batay sa ulat ni PLTCol Rommel Geneblazo, Hepe ng Malolos CPS, kinilala ang mga na arestong suspek na sina Alias RJ, 49, at Alias JG, 52, kapwa naninirahan sa Menzyland Subd., Brgy. Mojon, Malolos City. Ang biktimang 33 taong gulang na isang real estate agent mula Bulakan, Bulacan, ay nag-ulat sa himpilan ng Malolos CPS na hindi naibalik ang kanyang Toyota Vios na nirentahan ng mga suspek mula Hunyo 29 hanggang Hulyo 3, 2025. Nadiskubre rin na tinanggal ng mga suspek ang GPS ng sasakyan noong Hulyo 2.
Nang tangkain ng mga biktima na bawiin ang sasakyan, tumanggi ang mga suspek na makipagtulungan at nagtangkang tumakas ngunit agad silang na naaresto ng mga miymbro ng Malolos CPS sa Brgy. Guihawa, Malolos City. Inihahanda na ang kaukulang kaso na isasampa sa City Prosecutor’s Office sa Malolos.
Ang Bulacan Police Provincial Office sa pamumuno ni PCol Angel Garcillano, Acting Provincial Director, ay nananawagan sa publiko na maging mapagmatyag sa mga kahalintulad na modus operandi at agad na i-report sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang transaksyon kaugnay sa pagrenta ng sasakyan.





