Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga– Binaha ng Bagyong ‘Carina’ na pinalakas ng Southwest Monsoon (Habagat) na may kasamang high tide mula sa Manila Bay ang nasa 139 barangay sa Bulacan at Pampanga ng 1 hanggang 5 talampakan ng tubig-baha kung saan naiulat din na 2 indibidwal ang nasawi at dalawa pa ang nawawala.
Ayon kay PBGen Jose Hidalgo Jr., regional director ng Police Regional Office 3 (PRO3), ang dalawang hindi pa nakikilalang biktima kabilang ang isang menor de edad ay namatay dahil sa landslide sa Angeles City at dalawang katao ang nawawala pa sa lalawigan ng Bataan.
Ang mga pulis sa CL ay patuloy na nagsasagawa ng mga operasyon sa pagtugon sa kalamidad habang nananatili sa rehiyon ang pinagsamang epekto ng Habagat at Typhoon “Carina”.
Sinabi ni Hidalgo na nagbigay siya ng direktiba sa lahat ng commanders na ipatupad ang mga previous measures na naobserbahan kasama na ang lahat ng guidelines sa ilalim ng PNP Critical Incident Management Operational Procedures (CIMOP).
Inatasan din nito ang Regional Mobile Force Battalion 3 na magsagawa ng forward deployment para madaling tumugon sa anumang posibleng mangyari ng bagyo.
May kabuuang 474 na tauhan ang naka-deploy para sa response operations kabilang ang mga naka-deploy sa evacuation centers habang 578 ang naka-standby at nakahanda na para sa search, rescue at retrieval operations, at 466 ang binubuo ng Reactionary Standby Support Force.
Batay sa pinagsama-samang ulat mula sa lahat ng police units ng Region 3 at Office of the Civil Defense-Region 3, as of press time, may kabuuang 528 pamilya na binubuo ng 1,509 na indibidwal ang pansamantalang sinilungan sa 34 sa 800 evacuation centers sa buong rehiyon partikular na. sa Bataan, Bulacan, at Olongapo City.
May naiulat na 71 barangay sa Bulacan at 68 sa Pampanga ang binaha habang 7 kalsada rin sa Bulacan ang hindi madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan.
Iniulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Bulacan na ang bayan ng Hagonoy ay may siyam na barangay na lumubog sa ilalim ng 1-2 talampakan ng tubig-baha na kinabibilangan ng Palapat, San Agustin, San Isidro, San Juan , San Miguel, San Pedro, Sta. Monica, Sto. Niño, at Tampok habang 12 barangay sa Calumpit ang lumubog sa ilalim ng 1-5 talampakan ng tubig kabilang ang mga barangay ng Balungao, Bulusan, Calizon, Frances, Gatbuca, Gugo, Iba Este, Iba O’ Este, Meyto, Meysulao, Panducot, San Miguel, Sapang Bayan, Sergio Bayan, Sta Lucia, Sto Niño, Buguion, Caniogan at Palimbang.
Ang Barangay Bambang, Bagumbayan, Sulucan, Poblacion sa bayan ng Bocaue ay lubog din sa lalim ng tubig-baha na 1 hanggang 3 talampakan; parehong antas ng tubig-baha sa Barangay Panginay, Wawa, Borol 1st, Longos at San Juan sa bayan ng Balagtas habang 2-4 talampakan ng tubig-baha sa Barangay Lias, Saog, Ibayo, Poblacion 1 & 2, Abangan Sur, Abangan Norte, St. Martin at Tabing Ilog sa Marilao.
Ang mga barangay na apektado ng 1-2ft ng baha ay ang Taliptip, Perez, Matungao, Tibig, Sta. Ana, San Nicolas, Bambang, San Francisco, Maysantol, Balubad at Sta. Ines sa bayan ng Bulakan.
Ang mga lugar naman sa Poblacion, Malis, Ilang-Ilang at Panginay sa munisipalidad ng Guiguinto habang ang Salambao at Binuangan sa Obando; Sitio 5, San Jose, Sito Bangkal at Sto. Rosario sa munisipyo ng Paombong ang apektado rin ng mataas na pagbaha.
Nabatid na mas maraming barangay sa lalawigang ito partikular sa mga bayan at lungsod ng Meycauayan, San Jose Del Monte, Malolos, at Sta. Mariaang lubog din ng baha dahil sa walang tigil na pagbuhos ng malakas na ulan dala ng habagat at high tide mula sa Manila Bay ngunit hindi pa ito nag-uulat sa PDRRMO.
Si Gobernador Daniel Fernando mula pa noong Lunes ng hapon ay madalas na bumisita sa Communication, Command and Control Center ng PDRRMO upang personal na mamonitor ang lebel ng tubig ng Angat, Bustos at Ipo Dams gayundin ang sitwasyon ng baha sa lalawigan.
Inalerto din ng gobernador ang Bulacan Rescue Team ng PDRRMO sa kasagsagan ng patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan.
Ilang probinsya sa Central Luzon ang nag-anunsyo ng suspensiyon ng klase at trabaho sa lahat ng government at private offices dahil sa masamang lagay ng panahon dala ng lumakas na bagyo.
Sisimulan ng PRO3 ang pamamahagi ng mga relief packs sa mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Carina sa Central Luzon.
Samantala, sinabi ni Regional Director Roseller Tolentino ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 3 Office na sa kabila ng work suspension order, nananatiling naka-standby ang kanilang Quick Response Team para magbigay ng kinakailangang tulong.
Ang pagsubaybay sa mga National road at tulay ay isinagawa ng DPWH R3 Office, dagdag ni Tolentino.
Samantala, ang Ipo Dam hanggang alas-12:00 ng tanghali nitong Miyerkules ay naglalabas na ng tubig sa 344.49 cubic meters at ang water elevation nito ay sinusubaybayan sa 102.30 metro laban sa spilling level nito na 101 metro.
Ang Bustos Dam noong 2:00PM noong Miyerkules ay nasa 17.41 metro laban sa 17.35 metrong spilling level nito at naglabas ng 208 cms per secondwater elevations ay tumataas pa rin. Ang paglabas ng tubig mula sa Ipo at Bustos Dam ay maaaring umabot ng hanggang 550 cms.
Sa kabilang banda, umabot na sa 179.40 meters ang water elevation ng Angat Dam as of 10:00AM na may 212 meters na normal high water level.