
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Pormal nang inaprubahan ng Ika-12 Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Bulacan ang dalawang panukalang kapasyahan na naglalayong maprotektahan ang kapakanan ng mga Bulakenyo laban sa epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at sa mga mapagsamantalang gawain sa bentahan ng produktong petrolyo.
Ang mga nasabing panukala ay inakda ni Vice Governor Alexis Castro, na siya ring presiding officer sa isinagawang Karaniwang Pagpupulong ng SP noong Marso 12.
Nabatid na kabilang sa mga naaprubahan ay ang Proposed Provincial Resolution No. 20-2025 at 21-2025.
Ang Proposed Provincial Resolution 20-2025 kung saan isang mahigpit na panawagan sa mga lungsod at bayan sa lalawigan ng Bulacan na masusing bantayan at bawiin ang mga business permit ng mga establshment na sangkot sa overpricing, profiteering, hoarding o pagtangging magbenta ng produktong petrolyo.

Ayon kay Castro, layunin ng panukalang ito na maprotektahan ang publiko laban sa mga mapagsamantalang gawain na lalong nagpapahirap sa mga mamamayan sa gitna ng pabago-bagong presyo ng langis dulot ng sigalot sa pagitan ng bansang Amerika, Israel laban sa Iran.
Aprubado rin ang Proposed Provincial Resolution No. 21-2025, na humihiling sa National Government na maglaan ng fuel subsidy para sa mga magsasaka, mangingisda, at mga driver ng public utility vehicle (PUV) sa lalawigan ng Bulacan.
Ang panukalang ito ay tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng krisis sa Gitnang Silangan, na may malaking epekto sa sektor ng agrikultura, pangingisda, at transportasyon.
Giit ni Castro, mahalaga ang mga hakbang na ito upang mapagaan ang pasanin ng mga Bulakenyo, lalo na ang mga sektor na direktang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Sa pamamagitan ng mga naaprubahang resolusyon, ipinapakita ng pamahalaang panlalawigan ang patuloy nitong pagsusulong ng mga polisiya at panukala na naglalayong pangalagaan ang kabuhayan at kapakanan ng mamamayang Bulakenyo.
Ang mga resolusyong ito ay inaasahang magsisilbing mahalagang hakbang upang matiyak ang patas na kalakalan sa bentahan ng petrolyo at makapagbigay ng kinakailangang suporta sa mga sektor na lubhang apektado ng kasalukuyang sitwasyon sa pandaigdigang merkado ng langis.





