Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga – Isang 48 at 46 taong gulang na itinuturing na mga high value individuals ang naaresto ng mga otoridad sa magkahiwalay na operasyon, Martes ng umaga, Disyembre 3, sa Mexico, Pampanga at Gapan City, Nueva Ecija.
Bandang 8:30 ng umaga, nagtungo ang pinagsanib na pwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit- Pampanga PPO, Provincial Intelligence Unit- Pampanga PPO, SWAT Pampanga, 2nd PMFC, RIU3, at Mexico Municipal Police Station sa pakikipag-ugnayan sa PDEA 3 sa bahay ni Aurello Mariano Jr sa Barangay Sapang Maisac, Mexico, Pampanga upang ipatupad ang search warrant laban sa kanya para sa paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act), Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at Republic Act 9516 (Illegal Possession of Explosives).
Nakumpiska sa pag-iingat ng suspek ang isang (1) knot-tied size heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 54 gramo at may standard drug price na Php 367,200.00, isang (1) unit na caliber .22 revolver na walang serial number na may walong (8) bala, isang (1) unit na Armscor caliber .45 na walang serial number na may magazine na may walong (8) bala, dalawang (2) pirasong bala ng shotgun, isang (1) piraso ng granada, isang (1) piraso ng kutsilyo, isang (1) kahon ng mga bala para sa caliber .45, isang (1) maliit na timbangan.
Samantala, naaresto si Tristian De Guzman y Martin alias “Nani” at ang kanyang dalawang kasabwat na sina alias “Ton” at alias “Jef” sa isinagawang buy bust operation ng Special Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Gapan City Police Station sa Barangay Malimba, Gapan City.
Nakumpiska sa tatlo ang mahigit 53 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na nagkakahalaga ng Php 360,400.00
Ayon kay Police Regional Office 3 Director PBGen Redrico Maranan, “Ang tagumpay ng operasyong ito ay patunay ng aming dedikasyon sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon. Patuloy nating tututukan ang mga elemento na lumalabag sa batas upang mapanatili ang seguridad ng ating mga komunidad.”
Ang mga nasabing operasyon ay bahagi ng patuloy na kampanya ng PRO3 laban sa iligal na droga, armas, at iba pang kriminalidad na nagbabanta sa kapayapaan at seguridad ng publiko.