Tiniyak ng Department of Science and Technology (DOST) na mapapakinabangan sa pagbangon ng mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Bulacan ang mga proyektong pinondohan nito sa Bulacan State University (BulSU).
Sa pagbisita kamakailan ni DOST Secretary Fortunato Dela Pena sa pamantasan bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Science and Technology Week 2021, binigyang diin niya na bukod sa pagtulong sa mga MSMEs, pamumuhunan din ito sa susunod na henerasyon ng mga human resources at entrepreneurs.
Pangunahin na rito ang pag-aangat ng antas ng Regional Food Innovation Center. Isa itong pasilidad sa BulSU na tumutulong sa mga MSMEs na maisaayos ang pagsasapekete o packaging ng isang produktong likha sa kanayunan.
Uubra ring gumawa ng mga Emergency Food na kayang maiimbak nang matagal at magamit tuwing may kalamidad. Umaabot na sa P8.2 milyon ang halagang naitutulong ng DOST sa nasabing Regional Food Innovation Center.
Kabilang sa ginugulan ang pagkakaroon ng Vacuum Frying kung saan naisasapakete ang isang pagkaing produkto nang hindi namamawis ang loob. Mapapangalagaan din ang kalinisan at sustansiya nito na hindi mahahaluan ng kemikal o mikrobyo at na may mahabang shelf life.
Habang ang Freeze Drying ay pagsasapakete ng mga produktong pagkain na sensitibo na mainitan.
Nagkaloob naman ng P1.5 milyon ang DOST para sa operasyon ng binuong Technological Hive of Regional Innovation for a Vibrant Ecosystem (THRIVE) sa BulSU na isa sa walong Regional Inclusive Innovation Centers (RIICs) sa bansa.
Ang RIIC gaya nito ay kinonsepto upang maitaguyod ang innovation o pag-aangat ng antas ng mga MSMEs para makasabay sa kumpetisyon at patuloy na pagbangon ng ekonomiya.
Pasimula ito sa pagpapatupad ng Philippine Innovation Act or Republic Act 11293 na isang pangunahing reporma ng administrasyong Duterte sa larangan ng Science and Technology alinsunod sa Philippine Development Plan (PDP) 2017-2022.
Ayon pa kay Secretary Dela Pena, paghakbang din ito upang unti-unting magkaroon ng kaganapan ang Ambisyon 2040 kung saan target na matamo ng karaniwang mga mamamayan ang isang matatag, maginhawa at panatag na buhay. (Source SHANE VELASCO PIA3-BULACAN)