Pinangunahan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)’s Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at Department of Labor and Employment (DOLE)s Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD) payout para sa 1,950 residente ng Bocaue, Bulacan nitong Biyernes, November 24, 2023.
Kasama sa mga nakatanggap ng financial assistance buhat sa DSWD-AICS ang 1,600 Bocaueños kabilang dito ang 600 estudyante ng Bulacan State University (BulSU) habang nasa 350 Bocaueños naman ang tumanggap mula sa TUPAD.
Ayon kay Senator Villanueva, ang naturang distribusyon ng financial aid ay bahagi ng paggunita sa kaarawan ng kaniyang yumaong kapatid na dating alkalde na si Mayor Joni na naglingkod sa bayan ng Bocaue mula 2016 hanggang sa pagpanaw nito noong 2020 habang kasagsagan ng Covid-19 pandemic at bilang pag-alala sa mga legasiya nito.
Sinabi naman ni Vice Mayor Sherwin N. Tugna, asawa ng yumaong alkalde, noong nabubuhay pa si Mayor Joni ay nakaugalian na nito ang tumulong sa mga Bocaueño sa araw ng kaniyang birthday kaya naman kahit na ito ay wala na ay ipinagpapatuloy nila ang legasiyang naiwan nito ang tumulong sa mga Bocaueño.
Samantala, nanawagan naman si Villanueva sa DOLE at DSWD na suriin ang mga programa ng ahensya kasama ang pagtukoy ng tamang alokasyon ng resources para siguruhin ang pantay-pantay na pamamahagi ng tulong.
Pinangunahan rin ng majority leader ang pagbibigay ng bagong fire truck para sa bayan ng Bocaue at pagpapasinaya ng bagong barangay hall at day care center sa Brgy. Igulot.