ISANG 18-anyos na lalaki ang walang habas na namaril sa loob ng isang paaralan sa Uvalde, Texas, US nitong Martes (Miyerkules sa Pilipinas) kung saan 19 na mag-aaral at 2 adult kabilang ang isang teacher ang nasawi.
Patay din ang suspek matapos makipagbarilan sa mga pulis ng Uvalde Consolidated Independent School District Police (UCISDP) na rumesponde sa insidente.
Kinilala ni UCISD Police Chief Pete Arredondo ang suspek na si Rolando Ramos, nakatira sa Uvalde, Texas.
Base sa inisyal na report, bago naganap ang karumal-dumal na krimen ay unang binaril ng suspek ang kanitang lola bandang alas-11:30 ng umaga sa loob ng kanilang tahanan at pagkaraan ay tumungo sa Robb Elementary School sa nabanggit na lugar.
Sakay ng isang itim na SUV ay sumadsad ito sa isang kanal sa labas at mula doon ay naglakad papasok sa South entrance ng nasabing paaralan bitibit ang isang AR-15 Style Rifle at naka-suot ng itim na damit, naka-body armor at backpack.
Ilang minuto pa ang lumipas ay sunod-sunod na mga putok na ang umalingawngaw at dito ay 19 na mga batang mag-aaral at 2 matanda kabilang ang isang guro na si Eva Mireles ang nasawi. Nabatid na 13 pa ang sugatan sa nasabing insidente.
Napatay din ang suspek nang makipagbarilan sa mga rumespondeng tauhan ng Border Patrol Tactical Unit ng UCISD Police.
Ayon pa sa report, mga grade 2, 3 at 4 ang mga estudyanteng nasawi sa pamamaril kabilang ang dalawang 10-anyos na sina Xavier L. at Amerie Jo G..
Ang 13 batang sugatan ay dinala sa Uvalde Memorial Hospital at University Hospital sa San Antonio. Dalawa naman police officers ang sugatan sa naturang shooting incident.
Itinuturing na ito na ang deadliest school shooting incident sa Amerika at ika-27 insidente ng pamamaril sa loob ng school grounds.