17 Registration Sites sa Bulacan, binuksan ng COMELEC para sa Barangay at SK Elections

Binuksan ng Commission on Elections (COMELEC) ang may 17 satellite registration sites sa Bulacan para sa mga magpaparehistrong botante kaugnay ng nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Disyembre 5, 2022. Tatagal hanggang Hulyo 23, 2022 ang nasabing mga registration sites gaya nitong sa Government Service Center sa SM City San Jose Del Monte. (Shane F. Velasco)

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan – Nagbukas ang Commission on Elections (COMELEC) ng 17 karagdagang satellite registration sites para sa mga bagong magpaparehistrong botante, bilang paghahanda sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Disyembre 5, 2022.

 

Pinakamalaki rito ang binuksang registration site sa SM City San Jose Del Monte na nasa barangay Tungkong Mangga. Ayon kay Atty. Imelda A. Panis, city election supervisor ng COMELEC-San Jose Del Monte, matatagpuan ito sa Government Service Center na nasa lower ground ng nasabing mall.

 

Kaya nitong makapagrehistro ng 300 indibidwal kada araw na bukas mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Pinayuhan niya ang mga magrerehistro na magdala ng government-issued identification card o I.D. na magpapatunay ng pagkakakilanlan.

 

Pagdating sa registration sites, ang unang hakbang ay pagsulat ng mga kaukulang personal na impormasyon sa registration form. Tiniyak ni Atty. Panis na anumang impormasyon na ibibigay ng magpaparehistro ay iingatang maitago ng COMELEC sang-ayon sa Data Privacy Act o Republic Act 10173.

 

Pangalawang hakbang ang pagsusuri sa sinulatang registration form kung kumpleto at tama ang naibigay na kailangang impormasyon. Susundan ito ng pagsulat sa logbook, pagkuha ng electronic thumbmark at ang pormal na biometric registration kung saan kasama ang pagkuha ng litrato.

 

Wala pang tatlong minuto o mas mabilis pa ang itinatagal ng bawat transaksiyon. Ipinaliwanag din ni Atty. Panis na wala nang inilalabas na Voter’s I.D. ang COMELEC. Ang layunin lamang ng registration ay maipasok ang pangalan sa kabuuang sistema ng automated elections.

 

Sakali naman aniya na hindi matuloy ang nakatakdang Barangay at SK Elections dahil may nagsusulong sa Kongreso na ito’y ipagpaliban, hindi masasayang ang pagpaparehistro dahil ito na rin ang magiging pangmatagalang rehistro sa mga susunod na halalan gaya ng 2025 midterm election at 2028 Presidential Election.

 

Bukod sa registration site sa SM City San Jose Del Monte, sinabi ni Atty. Mona Ann Aldana-Campos, provincial election supervisor ng COMELEC-Bulacan, mayroon ding binuksan sa Productivity Center sa barangay Sapang Palay at sa Barangay Hall ng Minuyan na nasa lungsod.

 

Ang iba pang registration sites ng COMELEC ay nasa mga sangay ng SM Supermall sa Baliwag at Pulilan, Waltermart sa Plaridel, Robinson’s Place at Vista Mall sa Malolos at sa One San Ildefonso Mall.

 

Sa Pandi, matatagpuan ang mga registration sites sa Virginia Ramirez Cruz High School at Mapulang Lupa Covered Court.

 

Habang sa bayan ng Paombong, limang barangay halls ang ginawang registration sites ng COMELEC na nasa Pinalagdan, San Jose, San Roque, San Isidro I at San Isidro II.

 

Tatanggap ng mga bagong magpaparehistro bilang mga botante ang 17 mga karagdagang registration sites hanggang Hulyo 23, 2022.