17 patay sa Dengue sa Bulacan

UMABOT na sa labing-pito katao ang namamatay sa sakit na Dengue sa lalawigan ng Bulacan mula pa Enero ng taong kasalukuyan. 
 
Ayon sa ulat na inilibas ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) patuloy pa rin ang naitatalang pagtaas ng kaso ng Dengue sa nabanggit na probinsiya. 
 
Tinatayang nasa kabuuang bilang na 10,945 ang suspected Dengue cases sa lalawigan na kung saan ito ay 349% na mataas kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon 2021 na nasa 2,435 kaso lamang. 
 
Sa datos na ito ay mayroon nang naitalang 17 dengue-related deaths magmula noong Enero hanggang kasalukuyan. 
 
Bukod pa rito, ang nakalipas na apat na linggo ay kinakitaan ng 822% na pagtaas sa naitatalang kaso ng Dengue kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon na kung saan lumagpas ito sa epidemic threshold. 
 
Ayon kay Governor Daniel Fernando, ang patuloy na pagtaas ng bilang kaso ng Dengue ay nakababahala dahil sa nararanasang na mataas na alerto sa mga naitatalang kaso lalawigan. 
 
“Bukod sa Covid-19, huwag din po natin ipawalang bahala ang kaso ng Dengue at patuloy tayong mag-ingat at sundin ang mga mahahalagang anunsyo mula sa mga lokal na pamahalaan at Department of Health (DOH) upang masugpo ito,” wika ni Fernando.
 
Ayon sa gobernador, sa tala ng PESU, apektado ang lahat ng edad bata at matanda kung saan 40% ng mga kaso ng Dengue ay nasa edad ng 11 hanggang 20 taong gulang. 
 
Tinuturing na “Clustering” ang isang lugar sa pagkakaroon ng apat o higit pang kaso ng Dengue sa baranggay sa nakalipas na apat na linggo habang tinuturing na “Hotspot” kung may patuloy na pagtaas sa bilang ng kaso sa magkasunod na linggo. 
 
Samantala, ang isang lugar ay mayroong “Outbreak’’ kung ang bilang ng kaso ay mas higit pa kesa sa inaasahan sa isang baranggay at mayroong mga naitalang namamatay dahil sa Dengue. 
 
Sa kasalukyan, 277 na barangay sa 24 na mga lungsod at munisipalidad sa Bulacan ay nasa clustering at hotspot kung kaya’t kinakailangan ng hakbang upang masugpo at makontrol ang pagtaas ng kaso ng Dengue sa mga nasabing lugar. 
 
Ang Dengue ay isang sakit na naisasalin sa tao sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok na Aedes na may dalang virus (infected female Aedes mosquito). 
 
Sa loob lamang ng 7 hanggang 12 na araw, ang mga itlog ng lamok at kiti-kiti ay maaaring maging adult mosquito kung kaya’t madali ang pagdami ng mga ito lalo kung walang gagawin hakbang sa paghanap ng mga maaaring pinamumugaran at pinangingitlogan ng mga lamok partikular na sa isang lugar na nauna nang may naitalang kaso ng Dengue. 
 
Patuloy na pinapaalalahanan ang lahat na isagawa ang “4S Strategy” upang sugpuin ang patuloy na pagtaas sa kaso ng Dengue na kinabibilangan ng- Search and Destroy of Breeding Sites,  Self-protection measures, Seek early consultations, at Support Fogging/Spraying during impending outbreak.