1,678 ektaryang sakahan sa Bulacan, Bataan at Aurora, ganap nang ‘Lupang Hinirang’

SAN RAFAEL, Bulacan- Tunay nang mga ‘Lupang Hinirang’ ang nasa 1,678 na ektaryang sakahan sa mga lalawigan ng Bulacan, Bataan at Aurora, ngayong ganap nang napakawalan sa tanikala ng pagkakautang ang may 1,483 na mga magsasakang benepisyaryo ng Reporma sa Lupa.

Pinangunahan ni Senador Maria Imelda Josefa ‘Imee’ R. Marcos ang pagkakaloob ng 1, 792 Certificate Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROMs) sa naturang na 1,483 na mga benepisyaryog magsasaka mula sa mga lalawigan ng Bulacan, Bataan at Aurora sa isang seremonya na ginanap sa Victory Coliseum sa San Rafael, Bulacan. Siya ang pangunahing may akda ng New Emancipation Act of 2023 o Republic Act 11953 na nagpapalaya sa mga magsasaka sa mahabang panahon ng pagkakautang. (Department of Agrarian Reform (DAR)-Bulacan)

Iyan ang sentro ng mensahe ni Senador Maria Imelda Josefa ‘Imee’ R. Marcos nang pangunahan niya ang pagkakaloob ng 1, 792 Certificate Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROMs) sa naturang na 1,483 na mga benepisyaryo.

Matutupad na aniya ang pamagat ng pambansang awit ng Pilipinas dahil sa umiiral na New Emancipation Act of 2023 o Republic Act 11953 na kanyang iniakda.

Pangunahing mandato ng batas ang hindi na pagsingil sa mga magsasaka mula sa nasabing mga lalawigan ng nasa P57.7 milyon na dating bayarin sa natamong lupa.

Ipinaliwanag ni Senador Marcos na bago umiral ang nasabing batas, binansagang ‘lupang hinarang’ ang naranasan ng mga benepisyaryo. Lagi aniyang dinadaing ng mga magsasaka sa mahabang panahon na bagama’t nabiyayaan sila ng lupa, ay nabaon naman sila sa pagkakautang.

Kaya’t sa pamamagitan ng pagpapatupad sa batas na ito, pakikinabangan nila ang katuparan ng ‘Lupang Hinarang’ kung saan ang pamahalaan ang tumatanaw ng utang na loob sa mga magsasaka at hindi tagapagbigay ng utang sa kanila.

Nagkaroon ng utang ang mga magsasaka sa mahabang panahon dahil base sa mga naunang patakaran sa programang reporma sa lupa, binayaran ng Land Bank of the Philippines sa mga ‘panginoong may lupa’ ang lupang sinasaka.

Ito ang kanilang hinuhulugan mula nang mapagkalooban ng titulo simula nang ipailalim ng noo’y Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr. ang buong Pilipinas sa Reporma sa Lupa sa bisa ng Presidential Decree No. 27 noong 1972.

Para kay Senador Marcos, magiging pagkakataon ang COCROMs para sa mga magsasaka na palaguin ang kanilang kita nang hindi na inaalala na mababawasan ito ng utang.

Pinakamaraming benepisyaryo mula sa Bataan kung saan 600 na mga magsasaka na nagtatanamin sa 581 ektaryang lupain ang pinagkalooban ng 836 COCROMs. Nangangahulugan ito na hindi na nila babayaran ang P44 milyon na pagkakautang.

Kabilang dito si Arsenia Francisco na may 1.4 ektaryang sakahan sa Morong, Bataan. Aniya, wala nang mas gaganda pa na mawala sa kanyang isipin ang halagang P241 libong pagkakautang dahil sa New Emancipation Act. Mas matutugunan na nang direktang ang mga pangunahing pangangailangan ng pamilya at mapabuti pa ang ani.

Sa Bulacan, 583 na nagsasaka sa 719 ektaryang lupain ang binigyan ng 618 COCROMs upang hindi na bayaran ang P3.7 milyong utang.

Para naman kay Juanito Feliciano ng San Miguel, Bulacan na may 2.9 ektaryang sakahan dito, ipinagpapasalamat nila na nagresulta na ang kanyang pinagpagalan sa nakalipas na 20 taong pagsasaka.

Habang sa Aurora, ang 300 na mga magsasaka sa 378 ektarya ang hindi na sisingilin ng P10,30 milyon dahil sa mga ibinigay na 338 na mga COCROMs.

Samantala, ibinalita rin ni DAR-Bulacan Provincial Agrarian Reform Officer (PARO) II na isinabay ng ahensiya ang pamamahagi ng Certificate of Land Ownership Award o CLOA sa 57 bagong mga benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program extension with reform (CARPer) o Republic Act 9700.

Gayundin ang 128 na Electronic Titles sa ilalim ng proyekto ng Support to Parcelization of Lands for Individuals Titling (SPLIT) na isang sistema ng DAR upang mas maging mabilis ang pagkakaloob ng CLOA. Pawang mga benepisyaryo nito ang mga magsasakang taga Bulacan at Bataan na nagtatanim sa kabuuang 44.6 ektarya.