CAMP Olivas, San Fernando, Pampanga- Labing-anim na text blaster equipment ang nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP) at Tarlac PNP sa ikinasang entrapment nitong Lunes sa Burgos Street, Barangay Poblacion Norte, Paniqui, Tarlac.
Isang alias “Ray”, 28, residente ng Paniqui, Tarlac ang arestado ng mga nabanggit na operatiba matapos mahuling nagbebenta online ng nasabing 16 SIM-based text blasters o international mobile subscriber identity (IMSI) catchers.

Ang suspek ay mahaharap sa mga kasong paglabag sa Philippine Radio Control Law, SIM Registration Act, Data Privacy Act at Cybercrime Prevention Act.
Matatandaang una nang sinabi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na tumataas ang demand para sa mga text blast machines sa tuwing sasapit ang eleksyon.
Ang mga kandidato namang mapapatunayang gumagamit ng text blast machines sa kanilang pangangampanya ay mahaharap din sa kaparusahan.
Sa isang press briefing noong Lunes (March 24) sa Camp Olivas sa San Fernando, Pampanga, iprinisinta nina Usec. Alexander Ramos ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), PBGen Bernard Yang, Acting Director ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) at PBGen Jean Fajardo, regional director ng PRO3 ang mga narekober na text blaster equipments.
Ayon kay Ramos, ang mga nakumpiskang IMSI catcher ay ilegal na nagagamit bilang text blasting kung saan kadalasan ginagamit sa scamming activities.
Nabatid na ang text blaster equipments ay kilala rin bilang “stingray,” rogue cell tower, fake cell tower, cell site simulator, or dropbox na nagagamit para gawing cell tower na maaaring makakonekta sa mga kalapit na cellphone units.
Kapag nakakonek na sa mobile phone ay maaari na nito ma-collect ang mga IMSI numbers at kayang ma-track ang lokasyon at aktibidades ng phone users maging ang mga text messages nito, tawag at data traffic.
Paalala ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na ang IMSI catchers ang pwede mag-operate kahit sa mga public places, tracking and intercepting monile phone communications.
Ayon kay Gen. Yang, bawat machine ay nagkakahalaga ng mahigit P100K at ito ay may 32 sims na kayang makasagap ng mahigit 600 mobile numbers.
“Capable siya mag-broadcast, pwede ka magtransmit simultaneously in the same seconds ng messages and can be used sa election. Potential na magamit ng mga kandidato na hindi madedetect,” wika ni Yang.
Sinabi naman ni Gen. Fajardo na posible na magamit ito ngayon election period kung saan inaalam na rin at iniimbistigahan kung ang mga nakumpiskang text blaster machines ay galing sa dalawang Pogo hub sa Tarlac at Porac na sinalakay noong nakaraang taon.





