PANDI, BULACAN- Humigit kumulang 1,500 Bulakenyo ang nakinabang sa iba’t ibang serbisyo ng gobyerno na inilapit sa kanila ng National Housing Authority (NHA) at ng mga katuwang nitong ahensya sa pamamagitan ng People’s Caravan “Serbisyong Dala ay Pag-Asa” na ginanap sa Multi-Purpose Covered Court, Pandi Village 1, Brgy. Siling Bata nitong Biyernes.
Kasamang nagbigay ng malaking partsipasyon sa nasabing programa sina Bise Gob. Alex Castro at ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Pandi sa pangunguna ni Mayor Rico Roque at ng buong Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Bise Mayor Lui Sebastian.
Pinasalamatan nina Bise Gob. Castro at Mayor Roque ang NHA sa paghahatid ng mga programa nila sa mga Bulakenyo, lalo na sa mga nasa relocation area.
“Hindi na nila kailangang bumiyahe pa. Kumpleto lahat dito. Napakalaking tulong po nito dahil kadalasan po talaga, ang problema nila ay pamasahe at nagta-trabaho para lakarin ang mga concern nila sa kanilang mga bahay,” anang bise gobernador.
Bahagi ng mga serbisyo ng pamahalaan na inihatid sa caravanang serbisyong medikal mula sa Philippine Red Cross, Philippine National Police, at Bulacan Provincial Medical and Dental Team; oryentasyon ng mga programa at serbisyo ng Department of Labor and Employment, Department of Trade and Industry, Commission on Population and Development, at Technical Education and Skills Development Authority; hands-on training mula sa Department of Information and Communications Technology; Local Recruitment Activity mula sa Public Employment Service Office; konsultasyon mula sa Public Attorney’s Office; KADIWA Pop-up Store mula sa Department of Agriculture; pagpaparehistro sa mga miyembro ng Philippine Statistics Authority, Social Security System, at PhilHealth; at pamimigay ng gamot ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Bilang pagsuporta sa layunin ng programa, naghatid rin ng iba’t ibang tulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan kabilang ang libreng serbisyong medikal at dental sa pamamagitan ng Damayan sa Barangay Movement; konsultasyon sa paggawa ng resume at mga payo sa mga naghahanap ng trabaho mula sa Provincial Youth, Sports, and Public Employment Service Office; at pamamahagi ng 500 punla mula sa Bulacan Environment and Natural Resources Office.
Ayon naman kay Roque, ang suporta at pakikiisa ng mga dumalo sa nasabing aktibidad ang nagbigay buhay sa programa kaugnay ng aktibong bahagi sa mga serbisyong handog sa pamamagitan ng lokal na pamahalaan mula sa kanilang pakikipagtulungan sa National Housing Authority at pampubliko at pribdong ahensya.
“Sa pamamagitan ng People’s Caravan, naging mas nailapit ang serbisyo sa bawat tahanan ng ating mga minamahal na mamamayan mula sa iba’t ibang ahensya kung kaya’t nakatanggap ang ating 1500 mamamayan ng libreng medical services, dental check-ups, oportunidad para makahanap ng trabaho at iba pang serbisyong panlipunan ay naging tagumpay dahil sa pagkakaisa ng bawat isa,” wika ni Roque.
Pinasalamatan din ng alkalde ang lahat ng mga kawani ng lokal na pamahalaan, volunteers, partners, at sa buong komunidad ng Pandi sa kanilang walang sawang suporta.
Pinangunahan rin ng NHA ang pamamahagi ng Transfer Certificate of Title sa awardees na nakabayad na ng buo.
Ayon kay Maricel Magdales, anak ng magsasaka at isang awardee, naging posible para sa kanyang mga magulang na magkaroon ng lupa dahil sa abot-kayang pabahay ng gobyerno.
“Mula pagkabata namin hanggang sa may sarili na akong pamilya, isang malaking bagay ‘yun na mayroon kaming tahanan na inuuwian na masasabi naming sa amin na naging magaan sa mga magulang ko na ma-acquire ito dahil nga mura lang siya. Malaking bagay para sa isang mahirap na tao na sa kanyang pagsisikap ay nagkaroon ng titulo ng lupa sa tulong ng NHA,” ani Magdales.