15 pulis iniimbistigahan sa kaso ng ‘missing sabungeros’

Inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III nitong Lunes na nasa kanila nang kustodiya ang labing-limang pulis na iimbestigahan dahil sa posibleng pagkakasangkot sa kaso ng mga nawawalang mga “sabungero”.
 
Sa isang briefing sa Camp Crame sa Quezon City, sinabi ni Torre na ang mga opisyal na iniimbestigahan ay nagmumula sa iba’t ibang unit ng PNP.
 
Lahat ay nasa aktibong tungkulin pa rin maliban sa isa na nagretiro, at tatlo na na-dismiss, aniya.
 
Sinabi ni Torre na maaaring lumaki ang bilang ng mga pulis na nasa ilalim ng imbestigasyon, gayunpaman, depende sa mga pahayag ng mga saksi.
 
Kinumpirma rin niya na nasa kustodiya na ng PNP ang whistleblower na si Julie Patidongan na si “Alyas Totoy” at nag-a-apply para sa witness protection program.
 
Tiniyak naman ng hepe ng pulisya sa publiko na “no stone unturned” at nangakong hindi lamang magbibigay ng hustisya sa mga pamilya ng mga biktima kundi lilinisin din ang hanay ng PNP.
 
Samantala, hinamon naman ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago ang whistleblower na si Patidongan na tukuyin ang mga tauhan ng NBI na sangkot umano sa pagkawala ng mga sabungero, na tinawag ang mga akusasyon na “seryoso” at “nakakasira” sa reputasyon ng ahensya.
 
“Dapat sabihin niya kung sino sila — ituro mo. Kung hindi niya alam ang mga pangalan, puwede pa nating ihanay ang mga tauhan natin para matukoy niya ang mga pinaghihinalaan niya.
 
Sa isang interview sinabi ni Santiago: “It’s unfair for the bureau to be dragged into this without name specific individuals.”
 
Si Patidongan, dating aide ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at farm manager na sangkot sa esabong operations, ay humarap kamakailan bilang pangunahing whistleblower sa kaso.
 
“Diyos ko! Kailangan niyang pangalanan kung sino sa NBI ang tinutukoy niya,” wika ni Santiago. “Sa ngayon, ang NBI ay isang institusyon na pinagkakatiwalaan ng publiko. Kung wala siyang tukoy na tao, paano tayo mag-iimbestiga?”
 
“Alalahanin natin, noong nangyari ang mga insidenteng iyon, hindi pa ako ang NBI director. Pero ngayon, nabawi na ng bureau ang tiwala ng publiko. Itong mga walang basehang akusasyon na ito ay hindi dapat hayaang madungisan iyon.”
 
Kasabay nito, inalok ni Santiago ang forensic expertise ng NBI para tumulong sa isinasagawang probe, at sinabing handa ang bureau na magsagawa ng DNA testing sa anumang labi na maaaring makuha.
 
“Oo, nagbo-volunteer ako, kung kailangan nila ng aming forensic expertise. I’m very willing to extend our help,” aniya.
 
Idinagdag niya na ang mga skeletal fragment ay maaari pa ring itugma sa mga sample ng DNA na ibinigay ng mga pamilya ng mga nawawalang lalaki.
 
Nitong Lunes din, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na humingi ng tulong teknikal ang Department of Justice (DOJ) sa gobyerno ng Japan para tumulong sa paghahanap sa Taal Lake, kung saan pinaniniwalaang itinapon ang ilan sa mga biktima.