LUNGSOD NG MALOLOS- Tinatayang 144,000 Bulakenyo ang nakiisa at sumuporta sa grand rally ni presidential candidate Bise Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo kasamasi Governor Daniel Fernando sa ginanap na Grand Rally na tinawag na ”Republika 2.0 Tindig ng Bulakenyo” sa Bulacan Sports Complex, Sta. Isabel sa lungsod na ito Miyerkules, Abril 27, 2022.
Sa kanyang mensahe, inisa-isa ni Robredo ang ilan sa mga programa ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa Lalawigan ng Bulacan kabilang ang pag-adopt ng Angat Buhay sa Doña Remedios Trinidad; at mga programang pangkabuhayan sa Lungsod ng San Jose del Monte, Bocaue, Marilao, Plaridel, Pandi, Hagonoy, Lungsod ng Malolos, Lungsod ng Meycauayan, Pulilan, at San Ildefonso.
Binanggit din niya ang ibinigay na tulong ng OVP sa panahon ng pandemya kabilang ang pamamahagi ng PPE sets na tinahi ng mga mananahi mula sa Santa Maria at San Rafael, medical supplies, at swabbing kits. Nagbigay rin ng pondo ang OVP sa St. Paul Hospital ng Bocaue at Meycauayan Doctors Hospital and Medical Center.
Aktibo rin sila sa pagsasagawa ng relief operation matapos ang pananalasa ng mga Bagyong Ulysses, Ompong at Habagat noong 2018.
“May eleksyon o walang eleksyon, nandito po kami sa inyo sa Bulacan. Madali lang magsabi ng proyekto. Madali lang mangako. Sasabihin napakaganda ng plataporma namin. Pero ano ang kasiguraduhan ng mga pangako namin? Ang kasiguraduhan, resibo,” anang bise presidente.
Sa kanyang bahagi, pinuri ni Fernando ang mga Bulakenyo sa pagtindig sa kanilang mga paniniwala.
“Iba talaga kapag tumindig ang Bulakenyo. Nakikita ko sa inyo ang katatagan, ang katapangan, ang kabayanihan, tulad ng mga naunang henerasyon ng mga Bulakenyo,” anang gobernador.
Sinagot rin niya ang katanungan kung bakit si Leni ang pinili niya.
“Siya ay matapat, mapagkalinga, at mapanagutang lider. Naniniwala po ako nang buong puso na kayang kaya niyang mapabuti ang pamumuhay ng bawat Pilipino. Ang kailangan ng ating bansa ay ang lider na nadadama ang kalagayan ng kanyang mamamayan, walang bahid ng anumang kurapsyon, may integridad, at higit sa lahat, may matatag na pananampalataya sa ating Panginoong Diyos,” ani Fernando.
Kasama ni Robredo ang mga senador ng Tropang Angat na sina Chel Diokno, Teddy Baguilat, Alex Lacson, Sonny Matula, Sonny Trillanes, Dick Gordon, Risa Hontiveros na kinatawan ng kanyang pamangkin na si Luis Hontiveros, at Leila de Lima na kinatawan ni Abgd. Philip Sawali.
Samantala, kasama ni Fernando ang kanyang katambal na si Bokal Alexis Castro at ang buong partido ng National Unity Party-Bulacan mula kongresista, bokal, alkalde, bise alkalde at konsehal.
Ipinamalas ng Republika 2.0 Tindig ng Bulakenyo Grand Rally ang mayamang sining at kultura sa pamamagitan ng paghahandog ng mga lokal na artista, mananayaw, at musikero bilang karagdagan sa maraming boluntaryong sikat na artista mula sa naglalakihang network ng bansa.
Gayundin, bilang panapos ng programa, pinahanga ng Bulacan ang mga manunuod sa kanilang engrandeng pyrotechnic display at kauna-unahang aero drone show.