ANGELES CITY — Nasa kabuuang 1,240 government employees ng City Government ng Angeles sa Pampanga ang nakatanggap ng mid-year bonus nitong Lunes.
Ang mga nasabing kawani ay— 879, permanent, 334 casual, at 17 contractual.
Sa ipinalabas na Memorandum No. 648, Series of 2022, ni Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr., inatasan nito ang Local Finance Committee at ang City Human Resources and Management na tuusin at i-release ang mid-year bonus para sa mga City Hall employees.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Flordeliza Santos, President of the Angeles City Employees for a New and Dynamic Angeles (AGENDA) kay Mayor Lazatin kaugnay ng nasabing insentibo.
“On behalf of all the employees at City Hall, nais ko pong ipaabot ang pasasalamat ko kay Mayor Lazatin para sa full support at benefits na ibinibigay niya sa lahat ng empleyado,” ani Santos.
Ayon kay Lazatin, ang naturang bonus ay kailangang-kailangan ng mga empleyado base na rin sa kanilang sitwasyon ngayon bunsod na rin sa kanilang mga pagsusumikap.
“Higit na mahalaga po ang ano mang porma ng tulong para sa mga empleyado. Lalo na’t ngayon po ay pandemya at araw-araw ay maari silang ma-expose sa sakit. Hindi po biro ang sakripisyo ng ating mga empleyado,” wika ni Lazatin.
Pinasalamatan din ng alkalde ang mga kawani na hindi nabawasan at napigilan ang kalidad ng kanilang serbisyo sa kabila ng banta ng COVID-19.
“I am truly indebted to the City Hall employees, dahil po sakanila ay patuloy pa rin ang operasyon ng pagbibigay serbisyo sa ating mga minamahal na Angeleño kahit pa na may banta ng pandemya,” ani Lazatin.
Ang nasabing bonus sa mga kawani ay katumbas ng isang buwanang suweldo na nakapaloob sa Republic Act No. 11466 at sa National Budget Circular No. 579 issued by the Department of Budget and Management (DBM) noong Enero 24, 2020.