LUNGSOD NG CABANATUAN — Humigit kumulang 1,200 estudyante sa Nueva Ecija ang lumahok sa idinaos na ikatlong leg ng Kilos Kabataan: Makibahagi sa Halalan! voter’s education webinar.
Ito ay inorganisa ng Philippine Information Agency o PIA sa pakikipagtulungan sa Commission on Elections, Nueva Ecija Police Provincial Office at Nueva Ecija University of Science and Technology o NEUST.
Ayon kay NEUST President Feliciana Jacoba, ang pagkakaroon ng tamang impormasyon ay ang pinakamahalaga at isa sa epektibong pamamaraan upang makabuo ng wastong desisyon tulad ngayong nalalapit na ang halalan.
Hindi aniya hadlang ang pandemya para madagdagan ang kaalaman at makiisa sa eleksiyon.
Ang payo ni Jacoba sa mga kabataan ay buksan ang isip at puso para sa karagdagang kaalaman na makatutulong sa pagdedesisyon ng tama, responsable, makatao at makadiyos na pagboto ng mga mamumuno sa bansa.
Kaniya ding sinabi na dapat pumili ng kandidato na maglilingkod at hindi paglilingkuran gayundin ay taglay ang mga katangiang may dangal, integridad, malasakit at makadiyos.
Ang kandidatong kayang mamuno ng taos sa puso, may kakayahang gampanan ang tungkulin at gawain upang mas maiangat at mapaunlad ang pamumuhay ng mga Pilipino lalo na ang mga higit na nangangailangang mga kababayan.
Kaugnay ng idinaos na programa ay ipinaabot ni Jacoba ang pasasalamat sa PIA sa patuloy na ugnayan sa paghahatid ng mga adhikain, impormasyon at kaalaman sa mga mag-aaral.
Ang pakikilahok aniya ng mga mag-aaral sa mga ganitong aktibidad ay hindi lamang makatutulong sa sarili kundi maibabahagi din ang mga natututunan sa kanilang pamilya, kaibigan at kapwa.