1,069 magsasaka, mangingisda sa Bulacan tumanggap ng tulong pinansyal

ASSISTANCE TO FARMERS AND FISHERFOLKS. Kinamayan nina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro, kasama sina (kanan) Pinuno ng Provincial Agriculture Office Ma. Gloria SF. Carillo at (kaliwa) Pinuno ng Provincial Social Welfare and Development Office Rowena J. Tiongson, ang ilan sa 1,069 na mga benepisyaryo ng Distribution of Rehab Assistance to Farmers Affected by El Niño na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, Lungsod ng Malolos, Bulacan noong Martes.

LUNGSOD NG MALOLOS- Tumanggap ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P5,000, food packs, at fertilizer ang 1,069 na magsasaka at mangingisda mula sa mga bayan ng San Miguel, Obando, at San Rafael bilang bahagi ng Distribution of Rehab Assistance to Farmers Affected by El Niño na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito noong Martes.

 

Isinagawa ang programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office, upang magbigay ng tulong sa mga magsasaka sa San Miguel at San Rafael na naapektuhan ang pananim dahil sa El Niño, at mga mangingisda sa Obando na nakaranas ng mga insidente ng fish kill.

 

“Nararapat lamang na kayo ay alagaan, suportahan, at bigyang pansin sapagkat, unang-una, kayo ang naglalatag at nagbibigay ng pagkain sa hapag-kainan ng mga Pilipino at ng mga Bulakenyo. Salamat po sa inyong pagsusumikap, pagpupursigi,” ani Gob. Daniel R. Fernando.

 

Siniguro naman ni Bise Gob. Alexis C. Castro sa mga benepisyaryo na hindi pababayaan ng Pamahalaang Panlalawigan ang sektor ng agrikultura.

 

Ayon kay Jimmy Bernandino, magsasaka mula sa bayan ng San Miguel, malaking epekto ang naidulot ng El Niño sa kanilang buhay dahil tuluyang lumiit ang kanilang kinikita na sapat lamang sa pang-araw-araw nilang gastos kaya naman malaking tulong ang nakuhang tulong pinansyal na magagamit niya bilang panimula muli sa pagsasaka.

 

Samantala, upang tiyakin ang kahandaan ng mga Bulakenyo sa pagharap sa mga sakuna tulad ng El Niño at La Niña, nagpaalala ang mga kawani ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office patungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na mga suplay at kagamitan para sa tag-ulan na dala ng La Niña.

 

Payo nila, palagiang maghanda ng emergency kit na naglalaman ng pagkain, tubig, gamot, at iba pang mahahalagang bagay upang maging handa sa lahat ng uri ng sakuna.