PULILAN, Bulacan (PIA)- Matagumpay nang nai-onboard ang 100% na mga nagtitindang may pwesto sa Pamilihang Bayan ng Pulilan, sa Paleng-QR Ph Plus program ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ng ng Department of Trade and Industry (DTI).
Iyan ang idineklara ni BSP Regional Director for North Luzon Regional Office Atty. Noel Neil Malimban sa pormal na paglulunsad nitong programa sa nasabing palengke. Dito iprinisinta ang naikabit na mga Quick-Response o QR Code sa lahat ng 217 na pwesto ng mga nagtitinda rito.
Dinisenyo ang QR Code na isang two-dimensional image-based bar code upang makatanggap at makasagap ng mga personal at financial information. Kaya nitong makapagpadala o makatanggap ng anumang halaga na hindi na kailangang humawak ng perang papel o barya.
Malaking ambag aniya ito sa isinusulong ng BSP na maiangat sa mahigit 50% ang digitalization sa pakikipagtransaksiyon sang-ayon sa digital transformation agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nakapaloob dito ang target na maparami ang bilang ng mga Pilipinong makakapagbukas ng bank account na ngayo’y nasa 65% na ng populasyon o ang tinatawag na financial inclusion ayon sa BSP.
Para makagamit o makapagtransaksiyon sa QR Code sa Paleng-QR Ph Plus, kailangang gawing aktibo ang isang bank account o ang mga e-payments platforms sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na deposito o load.
Bukod dito, sinabi pa ni Atty. Malimban na hindi na magkakaroon ng problema sa mga kulang sa pagsusukli dahil eksaktong halaga lamang ng binibili ang kakaltasin sa bank account o e-payments platforms ng Paleng-QR Ph Plus.
Para naman kay DTI-Region III Assistant Regional Director Officer-in-Charge at siya ring DTI-Bulacan Provincial Director Edna Dizon, direktang makakatulong ang Paleng-QR Ph Plus sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na nagtitinda dito sa palengke ng Pulilan.
Karaniwan aniyang nagiging limitado ang kita ng mga MSMEs dahil umaasa sa arawang bumibili ng patingi-tingi. Pero ngayong naka-onboard na sila sa Paleng-QR Ph Plus, maaari na silang makapagtinda sa pamamagitan ng iba’t ibang online marketing platforms.
Kaugnay nito, ipinagmalaki naman ni Alda Samson, pangulo ng vendor’s association nitong palengke ng Pulilan, ang pagiging maagap ng mga may pwestong nagtitinda rito sa pagtanggap at paggamit sa Paleng-QR Ph Plus.
Ito aniya ang nagbunsod upang matamo agad ang 100% utilization bago ang pormal na programang ito sa Pulilan. Kaakibat nito, lalong lumakas ang pagbubuklud-buklod ng mga taga palengke dahil patuloy silang nagkakatulungan upang mas matutunan at mapadali pa ang paggamit nito.
Samantala, ipinahayag naman ni Pulilan Mayor Maria Rosario Ochoa-Montejo na napapanahon ang pagkakaroon ng Paleng-QR Ph Plus ngayong magiging isang mas malaki at makabago ang Pamilihang Bayan ng Pulilan pagsapit ng 2025. Nasa kasagsagan ang rekonstruksiyon at pagpapalaki ng naturang palengke na ngayo’y nasa 40% na ang progress rate.