100 MSMEs sa Bulacan, target agapayan ng mga mamumuhunang Bulakenyo taun-taon

Magkatuwang na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan at ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) ang MINI ME Program o Meaningful Inspirations for SMEs Made-Easy na naglalayong maalalayang lumago ang may 100 na mga Bulakenyong micro, small and medium enterprises (MSMEs) taun-taon. Ito ang sentro ng idinaos na First BCCI Governor’s Ball bilang hakbang sa lalong pagpapaigting ng ugnayan ng pamahalaan at pribadong sektor sa pagpapaunlad pa ng Bulacan. (Shane F. Velasco)
BONIFACIO GLOBAL CITY, Lungsod ng Taguig  – Aagapay ang mga matatagumpay at mayayaman na mga mamumuhunang Bulakenyo sa may 100 mga micro, small and medium enterprises o MSMEs sa Bulacan kada taon.

 

Sa ginanap na First BCCI Governor’s Ball na magkatuwang na inorganisa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at Bulacan Chamber of Commerce and Industry o BCCI, inilunsad ang MINI ME Program o ang Meaningful Inspirations for SMEs Made-Easy kung saan nakakalap ng inisyal na P500 libo mula sa mga lumahok na mga malalaking negosyanteng Bulakenyo.

 

Ayon kay Cristina Tuzon, tagapangulo ng BCCI, isinunod ang inisyatibong ito sa Kapatid Mentor Me program ng Department of Trade and Industry o DTI upang mapalitaw ang potensiyal na makapasok sa mas malaking merkado.

 

Magbubunsod din aniya ito upang matatag na makatayo sa sariling mga paa ang mga benepisyaryong MSMEs at tunay na makatulong sa pagbibigay ng kabuhayan sa ibang nangangailangan ng trabaho.

 

Para kay Gobernador Daniel R. Fernando, patunay ang MINI ME Program ng BCCI na malakas at buhay na buhay ang diwa ng pagkakaisa sa Bulacan sa larangan ng kalakalan, industriya at hanapbuhay.

 

Hindi aniya maikakaila kung bakit palaging kinikilala at pinaparangalan ang Bulacan bilang ‘Most Business Friendly Province’. Kaya naman hinikayat ng gobernador ang mga matatagumpay na malalaking negosyante sa lalawigan, na tulungan din ang mga kabataan na makapagsimula na rin ng sariling negosyo.

 

Gayundin ang paghikayat sa mga ito na subukang yakapin ang pagsasaka at anumang negosyo na may kinalaman sa pagkain. Binigyang diin ng gobernador na isang seryosong hamon sa lalawigan at maging sa bansa ang tumatanda at lumiliit na bilang ng mga magsasaka.

 

Kinakailangan aniyang maging atraktibo ang pagsasaka sa mga kabataan sa pamamagitan ng mga inobasyon upang maging positibo ang kanilang pananaw sa sektor na lumilikha ng pagkain.

 

Kaugnay nito, hinikayat naman ni Department of Trade and Industry (DTI)-Bulacan Provincial Director Edna Dizon ang mga MSMEs sa lalawigan na magrehistro sa Barangay Micro Business Enterprises o BMBE.

 

Ito’y upang makatamo ng 5% hanggang 10% kabawasan sa corporate income tax o CIT sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Law o ang Republic Act 11534. Base sa tala ng DTI, umaabot sa 579 na mga MSMEs ang nairehistro sa BMBE noong 2021 at nasa 540 ngayong 2022.

 

Samantala, bukas pa rin ang BCCI sa pagtanggap ng tulong pinansiyal upang patuloy na masuportahan ang adhikain ng MINI ME program. Uubrang ipadala ang mga donasyon sa PhilTrust Bank-Bulacan Branch na may Savings Account No. 1312-0000053-3 at sa Metro Bank-Malolos Branch na may Current Account No. 575-7-57500439-0 na pawang nakapangalan sa Bulacan Chamber of Commerce and Industry Inc.