100 motorcycle cops ikakalat sa CL para sa Yuletide Season

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga- Inihayag ng Police Regional Office 3 ang matagumpay na pagbubukas ng Motorcycle Tactical Response Training bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa mas ligtas at mapayapang pagdaraos ng Yuletide Season.
Ang nasabing pagsasanay ay naglalayong pataasin ang kakayahan ng mga pulis sa mabilisang pagtugon sa iba’t ibang sitwasyon gamit ang motorsiklo, kabilang ang emergency response, pagsugpo sa kriminalidad, at pagbibigay seguridad sa mga komunidad.
Kasabay nito, ipakakalat ang 100 motorcycle cops sa iba’t ibang panig ng rehiyon bilang bahagi ng pinaigting pang police presence.
Ayon kay PBGen Redrico Maranan, Regional Director ng PRO3, ang inisyatibong ito ay bahagi ng kanilang estratehiya na tinatawag na peace and order operational framework na may pormulang  EPP + QRT + CADCP= SR3 o ang  Enhanced Police Presence (EPP), Quick Response Time (QRT), at Counter Action against drug groups, criminal gangs, and private armed groups (CACDP) para sa Safe Region 3 (SR3).
“Layunin ng PRO3 na masigurong ligtas ang ating mga mamamayan, lalo na ngayong Yuletide season. Ang dagdag na presensya ng pulisya ay magbibigay hindi lamang ng kapanatagan kundi magpapalakas din ng ating kakayahan na tugunan ang anumang banta ng kriminalidad,” ani Maranan.
Ang Motorcycle Tactical Response Training ay bahagi ng patuloy na paglinang ng kakayahan ng kapulisan upang maging tugma sa mantra ng PRO3 na “Makabagong Pulis sa Makabagong Panahon.”
Muling nanawagan si Maranan sa publiko na magkaisa at makipagtulungan sa kapulisan upang mas mapanatili ang kaayusan sa buong Central Luzon ngayong darating na kapaskuhan at bagong taon.