1 pa suspek sa Bulacan ABC president murder, arestado

Iniharap sa ga media nina Governor Daniel R. Fernando (2nd right), Vice Gov. Alexis Castro (right) at Bulacan Police Provincial Office (PPO) Director PCol. Angel Garcillano (Gitna) si dismissed Police Staff Sergeant Ulysses Pascual, 46, residente ng No. 628 Governor Pascual St., Barangay San Roque, Navotas City, dating naka-assign sa Criminal Investigation Detection Group (CIDG) sa Camp Crame na siyang pangunahing suspek sa pagpaslang kay Bokal Ramil Capistrano, presidente ng Association of Barangay Captains (ABC) at sa driver nito matapos maaresto sa bisa ng Warrant of Arrest sa Barangay Tres Cruces, Tanza, Cavite Miyerkules ng madaling araw, Enero 14, 2026. Kuha ni ERICK SILVERIO
CAMP GENERAL ALEJO S SANTOS, Malolos City, Bulacan — Isa pang suspek sa karumal-dumal na  pagpaslang sa pangulo ng Bulacan Association of Barangay Captains (ABC) at sa driver nito ang naaresto ng mga operatiba ng Bulacan Police Provincial Office sa isinagawang implementation of warrant of arrest sa Barangay Tres Cruces, Tanza, Cavite Miyerkules ng madaling araw, Enero 14, 2026.
 
Ang suspek na isang dismissed policeman ay pormal na ipinresinta ni Bulacan Police Provincial Office (PPO) Director PCol. Angel Garcillano kena Governor Daniel R. Fernando at Vice Gov. Alexis Castro na kinilalang si Police Staff Sergeant Ulysses Pascual, 46, residente ng No. 628 Governor Pascual St., Barangay San Roque, Navotas City, dating naka-assign sa Criminal Investigation Detection Group (CIDG) sa Camp Crame.

Ang pag-aresto ay isinagawa bandang alas-3:30 ng madaling-araw sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 11, City of Malolos, Bulacan noong Pebrero 20, 2025, kaugnay ng Criminal Case Nos. 988-M-2025 at 989-M-2025 para sa kasong Double Murder, na walang piyansang inirekomenda.

Ang operasyon ay pinangunahan ng Tracker Team ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) katuwang ang mga tauhan ng Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company, Malolos City Police Station, Navotas City Police Station, CIDG Cavite, at Tanza Municipal Police Station ng Cavite PPO sa pangunguna ni Municipal Mayor Archangelo Matro at mga opisyal ng baranggay.

Sa oras ng kanyang pagkakaaresto, nakumpiska sa kaniyang posesyon ang isang Glock 9mm 43X pistol at mga bala.

Ang akusado ay isa sa mga itinuturing na pangunahing suspek sa pamamaslang kina Board Member Ramil Capistrano, ABC President ng Bulacan, at sa kanyang driver na si Shedrick S. Toribio, na naganap sa Brgy. Ligas, Lungsod ng Malolos noong Oktubre 3, 2024.
 
Matatandaang unang naaresto ng nabanggit na operatiba si Christian Roxas alyas “Lupin” noong Oktubre 22, 2025 sa Barangay Tangos South,  Navotas City sa bisa ng Warrant of Arrest habang pinaghahanap pa ang dalawa pang mga suspek na sina Cesar Mayoralgo Gallardo Jr. at isang alyas “Jeff”.
 
Pinasalamatan ni Gov. Fernando ang Bulacan PPO sa masusing operasyon ng kapulisan na nagresulta sa pagkakaaresto sa ikalawang suspek at umaasa ito na madarakip din ang natitira pang mga at-large suspek.
 
“Ang mabilis na pag-usad ng kasong ito ay resulta ng pagkakaisa, determinasyon na panatilihin ang kaayusan sa lalawigan ng Bulacan,” wika ni Fernando.
 
Sinabi ng gobernador na walang puwang ang mga gumagamit ng karahasan sa lalawigan ng Bulacan, pinaalala rin nito na manitiling mapagmatyag ang mga Bulakenyo katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapanatili ng kapayapaan dahil ang seguridad ng bawat mamamayan ang kanilang pangunahing prayoridad.
 
Nagpaabot din ng papuri si Police Regional Office 3 (PRO3) regional director PBGen Ponce Rogelio Penones Jr sa mga operating units sa matagumpay na operasyon na pagpapatunay lamang aniya na ang Kapulisan ay sinsero na panagutin ang mga kriminal at maihatid ang hustisya sa mga pamilya ng biktima.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bulacan PIU ang akusado para sa dokumentasyon at wastong disposisyon.