LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Umabot na sa 1,569,263 milyong mga indibidwal sa Bulacan ang nairehistro na ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa pagkakaroon ng PhilID card sa ilalim ng Philippine Identification System (PhilSys).
Sa panayam ng Balitang PIA sa Radyo Bandera 90.3 FM kay Marcelino De Mesa, supervising statistical specialist officer at officer-in-charge ng PSA-Bulacan, iyan ang bilang ng mga nakapagpatala mula nang magsimula ang roll-out noong Pebrero hanggang Disyembre 2021.
Ipinaliwanag niya na bagama’t hindi pa matutukoy kung sinu-sino ang mga Bulakenyo at mga hindi taga-Bulacan na dito nagparehistro ng PhilSys, mas mahalaga aniya na isang malaking kontribusyon na ito sa pambansang layunin na dapat magkaroon ng isang PhilID ang bawat mamamayan.
Pinakamaraming nagparehistro sa lungsod ng San Jose Del Monte na nasa 259,654 na sinusundan ng 187,666 sa lungsod ng Malolos at 132,986 sa Santa Maria.
Inisyal pa lamang ito sa target na 1.8 milyon pang maiparehistro sa PhilSys ngayong taong 2022. Magpapatuloy ang rehistrasyon habang may ipinapanganak na sanggol, kung saan uubra nang mairehistro ang mga batang may edad mula limang taong gulang, ayon naman kay Noeville Nacion, registration officer I at acting focal person sa PhilSys ng PSA-Bulacan.
Magbubunsod din ito upang mas maraming mamamayan ang magkaroon ng sariling bank accounts at matutong makapag-impok.
Walang kailangan na minimum deposit ang pagkakalooban ng account number basta’t nagrehistro sa PhilSys.
Ito’y upang lalong mapaigting ang roll-out ng PhilSys sa mas maraming mga mamamayan.
Iniimprenta ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang naturang mga PhilID upang matiyak na mapangalagaan ang mga security features gaya ng Iris scan at full set ng fingerprints.
Binigyang diin pa ni De Mesa na ang naturang mga features ang inilalagay sa PhilID card sa halip na mga e-signatures na karaniwan ay nagagaya.
Source: SHANE VELASCO- PIA3-Bulacan